Habang ako’y nakadungaw sa bintana
Sa mata ko’y bumulaga si maganda
Katawan ay ‘tulad kay pepsi paloma
Paindak-indak siya’t patalon-talon
Walang pakialam sa kan’yang paligid
Banaag ang ngiti sa kan’yang mga labi
Subali’t siya ay biglang sisimangot
At susundan ng kaniyang mga halakhak
Mag-isa n’yang inaaliw ang sarili
Sa galaw ng maganda niyang katawan
Ako ay tuluyan nang nahiwagaan
‘Sang tanong sumagi sa aking isipan
S’ya ba’y pinaglaruan ng kapalaran?
At sumunod siya ay biglang lumuhod
Nakabukas ang dalawa niyang palad
Nagsumamo sa ‘di makitang kausap
Sinilip ko siya’t aking pinagmasdan
Pinag-aralan ko ang buka ng bibig
Ang galaw ng mapupula niyang labi
Ang pilantik ng kaniyang mga daliri
At galaw ng kaniyang paa at baywang
Nagmamakaawa na isayaw siya
At dalhin sa itaas ng kalangitan
At do’n siya mananahan bilang reyna
Kasama ang mga ibon sa himpapawid
At kumpol-kumpol na maharot na ulap
Masaya silang nagsasayaw sa saliw
Ng malanding awit ng hanging habagat
Subali’t hindi pa siya nasiyahan
Pati mga bituin ay gustong abutin
Yakapin, hagkan at angkinin gagawin
Niyang kuwentas, korona at porsilas
Ang tindi ng kaniyang dating sa akin
Pati ako ay sa kan’ya nahumaling
Sa puso ko at isipa’y nagniningning
Alab ng pagsinta siya’y makapiling
Nguni’t may pagitan sa aming dalawa
Sa ‘king isip siya’y buhay na malaya
‘Kahiya inibig ko ang aking likha
Nang ako’y napagod siya ay nawala!